Labanan sa Tulay Milvio
Ang Labanan sa Tulay Milvio ay nangyari noong ng Oktubre 28, 312 sa pagitan ng mga Emperador ng Roma na sina Constantino I at Majencio. Kinuha nito ang pangalan mula sa Ponte Milvio, isang mahalagang ruta sa ibabaw ng Tiber. Nanalo si Constantino sa labanan at sinimulan ang landas na nagtulak sa kanya upang wakasan ang Tetrarkiya at maging nag-iisang pinuno ng Imperyong Romano. Nalunod si Majencio sa Tiber noong labanan; ang kanyang katawan ay kinuha kalaunan mula sa ilog at pinugutan ng ulo, at ang kaniyang ulo ay ipinarada sa mga lansangan ng Roma kinabukasan pagkatapos ng labanan bago ipinadala sa Africa.[1]
Ayon sa mga Kristiyanong mananalaysay na sina Eusebio ng Caesarea at Lactancio, ang labanan ang nagmarka ng simula ng kombersiyon ni Constantino sa Kristiyanismo. Isinalaysay ni Eusebio ng Caesarea na si Constantino at ang kaniyang mga sundalo ay nakatanggap ng isang pangitain na ipinadala ng Kristiyanong Diyos. Ito ay binigyang-kahulugan bilang isang pangako ng tagumpay kung ang tanda ng Chi Rho, ang unang dalawang letra ng pangalan ni Kristo sa Griyego, ay ipininta sa mga kalasag ng mga sundalo. Ang Arko ni Constantino, na itinayo bilang pagdiriwang ng tagumpay, ay tiyak na nag-uugnay sa tagumpay ni Constantine sa pamamagitan ng banal na pakikialam; gayunpaman, ang monumento ay hindi nagpapakita ng anumang hayagang simbolismong Kristiyano.
Kalagayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang mga pinagbabatayang sanhi ng labanan ay ang mga tunggalian na likas sa Tetrarkiya ni Diocleciano. Matapos bumaba sa pwesto si Diocletian noong Mayo 1, 305, halos agad-agad na nagsimulang magpumiglas ang kaniyang mga kahalili para sa kontrol ng Imperyong Romano. Bagaman si Constantino ay anak ng Kanlurang Emperador Constancio, ang ideolohiyang Tetrarkiko ay hindi kinakailangang magbigay ng namamanang paghalili. Nang mamatay si Constancio noong Hulyo 25, 306, ipinroklama ng mga hukbo ng kaniyang ama si Constantino bilang Augustus sa Eboracum (York). Sa Roma, ang paborito ay si Majencio, ang anak ng kasamahan ni Constancio sa imperyo na si Maximiano, na umagaw sa titulong emperador noong Oktubre 28, 306. Ngunit bagaman kinilala ni Galerio, pinuno ng mga lalawigan sa Silangan at ang nakatatandang emperador sa Imperyo, si Majencio ay itinuring bilang isang mang-aagaw ng kapangyarihan. Gayumpaman, kinilala ni Galerio si Constantino bilang may hawak lamang ng mas mababang ranggo sa imperyo ng Cesar. Inutusan ni Galerio ang kaniyang kapuwa-Augustus, si Severo, na pabagsakin si Majencio noong unang bahagi ng 307. Gayunpaman, nang dumating si Severo sa Italya, ang kanyang hukbo ay lumihis patungo kay Majencio. Si Severo ay dinakip, ikinulong, at pinatay. Si Galerio mismo ay nagmartsa patungo sa Roma noong taglagas, ngunit nabigong sakupin ang lungsod.[2] Iniwasan ni Constantino ang alitan kay Majencio at sa mga emperador sa Silangan sa halos buong panahong ito.[3]
Halaga
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isinulat ni Paul K. Davis na, "Ang tagumpay ni Constantino ay nagbigay sa kaniya ng ganap na kontrol sa Kanlurang Imperyong Romano na nagbukas ng daan para ang Kristiyanismo ay maging nangingibabaw na relihiyon para sa Imperyong Romano at sa huli para sa Europa."[4] Nang sumunod na taon, 313, inilabas nina Constantine at Licinius ang Kautusan sa Milan, na nagtalaga sa Kristiyanismo bilang isang opisyal na kinikilala at kinukunsinti na relihiyon sa Imperyong Romano.
Mga tala
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Kristensen, Troels Myrup. "Maxentius' Head and the Rituals of Civil War". p. 326. Nakuha noong 2017-10-28.
- ↑ Timothy D. Barnes, Constantine and Eusebius (Cambridge, Massachusetts: Harvard University Press, 1981), 30–31.
- ↑ Barnes, 30; Odahl, 86–87.
- ↑ Paul K. Davis, 100 Decisive Battles from Ancient Times to the Present: The World’s Major Battles and How They Shaped History (Oxford: Oxford University Press, 1999), 78.